JBC binuksan na ang aplikasyon para sa mababakanteng puwesto sa SC, CA at mga trial courts sa Mindanao

Tumatanggap na ang Judicial and Bar Council ng mga aplikasyon o rekomendasyon sa mga bakante at mababakanteng puwesto sa hudikatura.

Isa na rito ang posisyon sa Korte Suprema na babakantehin ni Associate Justice Rosmari Carandang na magreretiro sa Enero 9, 2022.

Binuksan din ang aplikasyon para sa limang bakanteng associate justice posts sa Court of Appeals.

Gayundin, ang para sa bakanteng judgeship positions sa mga korte sa Mindanao partikular sa Regions IX hanggang XII.

Ayon sa JBC, ang mga interesadong aplikante ay dapat bisitahin ang official website nito na jbc.judiciary.gov.ph.

Sa website ay dapat i-access ng mga ito ang Online Application Scheduler sa pagitan ng 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng hatinggabi nang hindi lalagpas sa Nobyembre 2, 2021.

Sa oras na makumpleto ng aplikante ang hinihinging impormasyon ay makatatanggap ito ng computer-generated letter of intent sa kanilang email address.

Dapat ay isumite ng mga aplikante sa pamamagitan ng email ang kumpleto at accurate digitized version ng kanilang letter of intent at documentary requirements sa pinili nilang oras at petsa sa Online Application Scheduler.

Kabilang sa mga ipinapasumiteng documentary requirements ay ang SALN ng mga aplikante.

Ipinunto ng JBC na ang kabiguang magsumite ng SALN ay batayan para idiskwalipika ang aplikante.

Moira Encina

Please follow and like us: