Korte Suprema tutol na alisin ang Bar exams

Walang nakikitang pangangailangan si Chief Justice Alexander Gesmundo para tanggalin ang Bar exams.

Ang pahayag ni Gesmundo ay kaugnay sa mungkahi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na huwag nang magsagawa ng licensure exams sa mga abogado, nurse, at iba pa dahil sa malaking gastos sa pag-aaral at pagkuha ng board exams.

Sinabi ni Gesmundo na mahalaga at kailangan na ipagpatuloy ang pagdaraos ng Bar examinations para masala ang tunay na may kakayahan na makapasok sa legal profession.

Aniya bukod sa pagiging tradisyon, ang pagsusulit ay para matiyak na magagampanan nang maayos ng mga abogado ang kanilang tungkulin hindi lamang sa hukuman kundi maging sa kanilang kliyente at sa lipunan.

Nakasaad din aniya sa Rules of Court ang mandatory na pagkuha ng Bar exams para sa mga nais na maging abogado.

Sa darating na Nobyembre isasagawa ang kauna-unahang localized, digitized, at proctored Bar exams.

Ipinagpaliban ang Bar exams noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Moira Encina

Please follow and like us: