Mag-iina sa SJDM, Bulacan, natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay…mga suspect na kamag-anak ng mga biktima, naaresto na

Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang tatlong miyembro ng pamilya sa Brgy. Kaypian, San Jose Del Monte Bulacan.

Nakilala ang mga biktima na sina Jaymee Casabuena, 28-anyos at dalawang anak nito na si Anton, 8-taong gulang at ang bunsong anak na si Joaquin, 4-taong gulang.

Ayon sa mga kapitbahay ng mga biktima, huli anilang nakitang buhay ang mag-iina, alas-6:00 ng gabi noong Martes.

Ang batang biktima na si Joaquin ay natagpuang nakahandusay sa kusina habang si Anton naman ay duguan sa kama at ang inang si Jaymee ay nakabulagta naman sa sala.

Pati rin umano ang alagang tuta ng mag-iina ay pinatay rin ng mga suspect.

Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Castil Jr., hepe ng SJDM police, walang nakitang bakas ng forced entry sa tahanan pero mukhang malaki ang galit ng salarin sa mga biktima dahil natuklasang kamag-anak ng mga biktima ang mga suspect.

Narekober sa crime scene ang kitchen knife na posibleng ginamit ng suspect sa pamamaslang.

Naaresto na rin ng mga pulis ang dalawang suspect na kinilalang sina Wilson Cortes na residente ng Brgy. 185, North Caloocan at Joselito Cortes na residente naman ng Brgy. San Manuel, SJDM, Bulacan.

Si Wilson ay asawa ng pinsan ng biktimang si Jaymee Casabuena.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpatay matapos umamin umano si Wilson na nanakawin lang nila ang cellphone ng biktima pero nagpumiglas ito kaya nila sinaksak.

Ulat ni Earlo Bringas

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *