Mga babaeng Afghan pinagbawalang bumiyahe lulan ng eroplano nang walang kasamang kamag-anak na lalaki

A poster ordering women to cover up is seen at a gate of Kabul’s airport Wakil KOHSAR AFP/File

Inatasan ng Taliban ang mga paliparan sa Afghanistan, na pigilan ang mga babaeng sumakay ng eroplano nang walang kasamang kamag-anak na lalaki ayon sa aviation officials.

Ang pinakabagong restriksiyon sa mga kababaihan, ay kasunod ng pagsasara noong Miyerkoles ng lahat ng secondary schools na pambabae ilang oras matapos silang payagan na muli nang magbukas sa unang pagkakataon, simula nang maagaw ng Taliban ang kapangyarihan noong Agosto.

Sinabi ng dalawang opisyal mula sa Ariana Afghan airline at Kam Air ng Afghanistan, na inutusan sila ng Taliban nitong Linggo na pigilan ang mga babaeng sumakay ng eroplano kung nag-iisa ang mga ito.

Ayon sa mga opisyal na ayaw magpabanggit ng pangalan, ang desisyon ay ginawa makaraan ang isang pulong sa pagitan ng mga kinatawan ng Taliban, ng dalawang airlines at airport immigration authorities.

Simula nang magbalik sa kapangyarihan, marami nang ipinataw na restriksiyon ang Taliban sa mga kababaihan na ang karamihan ay ipinatutupad sa mga lokalidad sa kagustuhan ng regional officials mula sa Ministry for Promotion of Virtue and Prevention of Vice.

Ayon sa ministry, hindi sila nag-isyu ng anumang direktiba na nagbabawal sa mga kababaihan na sumakay ng eroplano kung sila ay nag-iisa.

Nguni’t isang liham ng isang senior official ng Ariana Afghan sa staff ng airline matapos ang pulong kasama ng Taliban, ang kumumpirma sa bagong panuntunan.

Ayon sa liham . . . “No women are allowed to fly on any domestic or international flights without a male relative.”

May dalawa ring travel agents ang kumumpirma na itinigil na nila ang pag-iisyu ng tiket sa mga babaeng mag-isa lamang bibiyahe.

Ayon naman sa isang pasahero na sakay ng isang Kam Air flight . . . “Some women who were travelling without a male relative were not allowed to board a Kam Air flight from Kabul to Islamabad on Friday.”

Isa pang source ang nagsabi na isang babaeng Afghan na may US passport, ang hindi rin pinayagang sumakay sa isang flight na patungo sa Dubai noong Biyernes.

Ipinagbawal na ng Taliban ang inter-city road trips para sa mga babaeng mag-isa lamang bibiyahe, nguni’t hanggang ngayon ay malaya pa rin silang bumiyahe lulan ng eroplano.

Nangako ang Taliban na magiging mas maluwag na sila kumpara sa labis na kahigpitan, nang una silang maupo sa kapangyarihan mula 1996 hanggang 2001.

Subali’t simula noong Agosto, ay binawi nila ang dalawang dekadang tagumpay na ginawa ng mga kababaihan ng Afghanistan.

Maraming mga babae ang pinaalis nila sa pagtatrabaho sa gobyerno, at pinatigil sa pagpasok sa secondary school at inatasan din na magdamit ayon sa isang mahigpit na interpretasyon ng Koran.

Libu-libong mga kabataang babaeng Afghan ang nagbalik sa mga paaralan noong Miyerkoles matapos muling magbukas ang mga eskuwelahan, nguni’t pinauwi sila ng mga opisyal ilang oras lamang makalipas na nagbunsod ng pangmundong galit.

Hindi pa rin ipinaliliwanag ng mga awtoridad ang malinaw na rason sa pagbabago ng polisiya.

Please follow and like us: