Nag-viral na Chinese na “cat killer” ipade-deport ng BI dahil sa overstaying

Courtesy: BI
Inaresto ng mga intelligence officer ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese National, na nag-viral matapos sipain ang isang pusang gala sa Ayala Triangle Gardens sa Makati.
Makalipas ang dalawang araw ay namatay ang pusa dahil sa matinding pinsala sa atay at apdo.
Ang dayuhan na nakilalang si Jiang Shan, 32-anyos, ay inaresto ng BI sa harap ng kanyang tirahan sa Brgy. Palanan sa Makati, matapos mapag-alamang overstaying na ito.
Sa record ng BI, dumating si Jiang bilang turista sa bansa noong Mayo 2023, ngunit nabigo itong i-renew ang kaniyang tourist visa mula noong Setyembre 2023.
Wala ring naipakitang anumang dokumento ang dayuhan sa mga umaresto sa kaniya.
Si Jiang na ikinustodiya at inilipat sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig ay nahaharap sa deportation dahil sa pagiging overstaying sa bansa.
Nakatakda rin siyang kasuhan ng paglabag sa Philippine Animal Welfare Act.
Kaugnay nito ay binalaan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga dayuhan, na igalang ang mga batas ng Pilipinas habang naririto sila sa bansa.
Archie Amado