Dalawang ex-officials ng Batangas State University na sangkot sa kasong estafa, nakakulong na sa NBI detention cell

Nakakulong na sa NBI detention facility sa Maynila ang dalawang dating opisyal ng Batangas State University na nahaharap sa kasong katiwalian at estafa dahil sa sinasabing maanomalyang pagkolekta ng internet fees mula sa mga estudyante.

Ito ay makaraang sumuko kay Justice Secretary VitalianoAaguirre II  sina dating BSU President Ernesto de Chavez at dating BSU Vice President for Academic Affairs Rolando Lontok Jr.

Sa kanyang liham sa Sandiganbayan Special Second Division, sinabi ni Justice Undersecretary Erickson Balmes na ang mga naturang dating BSU official ay sumuko kay Aguirre noong Abril a onse ng ala-sais ng gabi.

Itinurn-over ang dalawa kay NBI Director Dante Gierran sa kaparehong araw.

Una nang hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan noong March 31 si de Chavez sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.

Sinentensyahan ito ng anim hanggang 10 taong pagkakabilanggo at perpetual disqualification sa paghawak ng anomang posisyon sa pamahalaan, pero naabswelto naman siya sa kasong estafa.

Iniutos naman ng anti graft court na  ma-archive indefinitely ang kaso laban kay Lontok dahil siya ay nagtatago noon.

Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan, nagsabwatan sina de Chavez at Lontok para mangolekta ng 550 pesos sa bawat mag-aaral bilang internet fee mula 2000 hanggang 2002 kahit ito ay hindi aprubado ng school board at di suportado ng mga official receipts.

Binigyang bigat ng hukuman ang testimonya ng ilang bank official na napunta sa personal bank accounts ng mga nasabing opisyal ang mga kinolektang salapi.

Ulat ni: Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *