Pamilya ng mga napaslang sa Oplan Tokhang sa Payatas, muling nagpasaklolo sa Court of Appeals
Muling naghain ng mosyon sa Court of Appeals ang pamilya ng apat na napatay na drug suspects sa Oplan Tokhang sa Payatas, Quezon City matapos na may natagpuang dalawang bangkay malapit sa kanilang mga bahay.
Hiniling ng mga petitioner na atasan ng CA ang PNP na imbestigahan ang pangyayari para mabatid kung sangkot ba rito ang mga pulis na kanilang inireklamo sa inihain nilang Petition for Writ of Amparo.
Nangangamba sila na sinadyang itapon sa kanilang lugar ang mga bangkay para sila ay takutin matapos nilang sampahan ng mga kaso ang apat na pulis na sangkot sa Oplan Tokhang noong Agosto.
Inireklamo rin nila ang kabiguan ng PNP na tumalima sa utos ng korte na sila ay bigyan ng resulta ng imbestigasyon kaugnay sa pagkakapatay sa apat na biktima.
Una nang nag-isyu ang CA 14th Division ng permanent protection order sa mga petitioner para pagbawalang makalapit ang mga inireklamong pulis sa bahay at lugar ng trabaho ng mga petitioner.
Ulat ni : Moira Encina