Partylist Rep. Gary Alejano hinamon ni Pang. Duterte na pangunahan ang pakikipaglaban sa China sa mga pinagtatalunang isla sa WPS

Gustong subukan ni Pangulong Duterte ang tapang ni Magdalo Representative Gary Alejano sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi ng Pangulo na kung talagang matapang si Alejano ay pangunahan nito ang pagkikipag-agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon sa Pangulo puro yabang lang si Alejano at ang grupong Magdalo.

Inihayag ng Pangulo na napatunayan na ang pagiging duwag ng grupo ni Alejano na Magdalo dahil nang magsagawa ng mutiny ang mga ito sa Makati ay sumuko din at hindi man lang naipakita ang kanilang tapang.

Iginiit ng Pangulo na kahit ang makapangyarihang bansang Amerika ay walang magawa para pigilan ang China sa ginagawang pananakop sa West Philippine Sea.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos makarating sa kanyang kaalaman na maghahain ng supplemental complaint si Alejano sa isinampang impeachment case dahil sa pagpayag ng Pangulo na makapasok sa Benham Rise ang China.

Ulat ni: Vic Somintac

Please follow and like us: