Resorts World Manila incident, walang kinalaman sa terorismo-Malacañang

Wala umanong kinalaman sa terorismo ang insidente ng karahasan na naganap Resorts World Manila sa lungsod ng Pasay.

Sa briefing ng Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na batay sa inisyal na inbestigasyon ng pulisya, walang kaugnayan sa terrorism activities ng Maute group at ISIS sa Marawi City ang naganap sa Resorts World.

Inihayag naman ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde sa briefing sa Malakanyang na umabot sa 37 ang namatay sa insidente sa Resorts World na kinabibilangan ng suspek.

Ayon  kay Albayalde patuloy pang iniimbestigahan ang tunay na motibo ng suspek sa pamamaril at panununog sa nasabing gusali.

Nakumpirma rin  na ninakaw ng suspek ang 113 milyong pisong halaga ng casino chips.

Gayunman,  bagamat isinantabi na ng Pamahalaan na may kinalaman sa terorismo ang insidente sa Resorts World, dobleng higpit naman ang seguridad na ipinatupad ng Presidential Security Group o PSG sa buong Malakanyang Complex.

Niliwanag ni PSG Spokesman Lt. Col. Michael Aquino na minabuti na nilang higpitan ang seguridad sa Malakanyang kaysa malusutan sila ng mga elementong gustong maghasik ng karahasan.

Iginiit ni Aquino na hindi nagtaas ng red alert ang PSG kundi ay ito’y isang precautionary preemptive measures lamang para protektahan ang set of power sa bansa.

(Ulat ni Vic Somintac)

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *