Russia, nagpadala ng 25 toneladang ayuda sa Gaza

AFP

Inihayag ng Russia na nagpadala ito ng 25 toneladang humanitarian aid sa Egypt na idi-deliver naman sa Gaza Strip.

Simula noong Oktubre 9, nang isailalim ng Israel ang Palestinian territoty sa isang “total siege,” ay limitado lamang ang pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, pagkain at gamot ang pinayagang makapasok sa Gaza.

Nasa 500 aid trucks ang pinayagang makapasok sa teritoryo galing Egypt sa nakalipas na buwan.

Sa kanilang post sa social media ay sinabi ng emergency services ng Russia, “A special aircraft of the Russian Emergencies Ministry delivered 25 tonnes of humanitarian aid to the Arab Republic of Egypt.”

Naglathala ito ng mga larawan ng staff na nagkakarga ng kargamento sa isang Il-76 plane sa isang eroplano sa central Russian city ng Kazan, at sinabing ang shipment ay naglalaman ng mga pagkain at hygiene products, maging ng mga damit at portable cookers.

Ayon sa post, “The humanitarian cargo has already been handed over to representatives of the Egyptian Red Crescent Society. Further Russian aid will be sent to the residents of the Gaza Strip.”

Ayon sa emergency services, ito na ang ika-limang aid shipment mula Russia patungong Gaza.

Sumiklab ang mga labanan nang umatake ang gunmen mula sa Islamist group na Hamas sa Gaza border sa Israel noong Oktubre 7, bumihag ng nasa 240 katao at nag-iwan ng mahigit sa 1,400 patay, ayon sa Israeli officials.

Nanindigang wawasakin ang Hamas, gumanti ang Israel sa pamamagitan ng aerial bombing at ground offensive na ayon sa health ministry sa Gaza Strip na pinatatakbo ng Hamas, ay ikinasawi na ng mahigit sa 10,800 katao, na karamihan ay mga bata.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *