Sinibak na BI Commissioner Norman Tansingco, nagpasalamat kay PBBM at Remulla
Naglabas na ng pahayag ang sinibak na Immigration Commissioner na si Atty. Norman Tansingco.
Si Tangsingco ay tinanggal ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., sa puwesto kasunod ng rekomendasyon ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Sa statement na ipinadala ng Bureau of Immigration (BI) sa media, pinasalamatan ni Tansingco si Pangulong Marcos sa oportunidad na magsilbi sa ilalim ng administrasyon sa nakalipas na dalawang taon.
Kinilala rin ni Tansingco ang suporta sa kaniya ng BI Board of Commissioners, at mga tanggapan ng DOJ Secretary at DOJ Supervising Undersecretary sa mga ipinatupad na reporma.
Binanggit ni Tansingco ang mga hamon sa BI gaya ng pagkontrol sa borders sa international ports at mapigilan ang human trafficking ng mga Pilipino.
Nagpaabot naman siya ng pagbati sa sinumang itatalaga ng pangulo bilang bagong immigration commissioner.
Tikom naman ang bibig ng dating commissioner sa isyu ng pagkakatakas nina dating Mayor Alice Guo na pangunahing dahilan kaya ito inalis sa posisyon.
Moira Encina-Cruz