SP Juan Miguel Zubiri at Majority block members nagpulong na

Nakipagpulong na si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga magiging miyembro ng Majority block sa Senado.

Sa larawang ibinahagi ni Zubiri, dumalo sa meeting si Senador Cynthia Villar na isa sana sa kanyang makakatapat sa Senate presidency.

Kasama rin sa nakipagpulong sina Senators Ronald Dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, Mark Villar, Imee Marcos at Francis tolentino.

Ayon kay Zubiri , natalakay sa pulong ang pagsusulong ng mga panukala na kailangan ng bansa para ibalik ang sigla ng ekonomiya, ibaba ang presyo ng bilihin at palakasin ang sektor ng edukasyon para sa mga kabataan.

Ito pa lamang aniya ang first batch ng mga senador na kinausap nya para rin sa hatian sa  committee assignments sa 19th Congress.

Sinabi ni Dela Rosa na nakuha naman ng kaniyang mga kasamahan ang nais na pamunuang komite.

Mananatili namang Chairman ng Committee on Public order si Dela Rosa kasama na ang Special Committee on Marawi Rehabilitation and Compensation.

Samantala sa Senado, puspusan naman ang ginagawang renovation ng mga tanggapan ng mga bagong Senador.

Ang iiwang tanggapan ni dating Senador Manny Pacquiao ang ookupahin ni Senador Francis Escudero habang ang opisina ni dating Senador Leila de Lima ang napunta kay Senador Mark Villar na katabi naman ng opisina ng kaniyang ina.

Si Senador Joel Villanueva na ang ookupa sa iniwang opisina ni dating Senator Ralph Recto habang si Padilla ang papalit sa kanya.

Si Senador Alan Peter Cayetano naman ang nakakuha ng dating opisina ni dating Senador Richard Gordon.

Habang si Senador Legarda ay sa dating tanggapan ni dating Senador Ping Lacson.

Meanne Corvera

Please follow and like us: