Tatlong Korean national, nabuking ng B.I. na ilegal na nagtatrabaho sa isang private resort sa Cavite


Photo: Bureau of Immigration
Tatlong Korean national ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI), na natuklasang ilegal na nagtatrabaho sa isang pribadong resort sa Cavite.
Nakilala ang tatlo na sina Oh Hyunsik, 51; Kim Haeyoung, 48; at Kim Seoyeong, 45.
Naaresto ang mga ito dahil sa kooperasyon ng Philippine Navy (PN) at Philippine National Police (PNP), matapos makatanggap ng impormasyon ang BI tungkol sa pagkakaroon ng ilegal na dayuhan sa lugar.
Kinumpirma ng BI na talagang nagtatrabaho ang tatlong Korean national pero wala silang kaukulang permit at visa, na labag sa batas ng imigrasyon sa Pilipinas.
Pinapurihan naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang nasa likod nang pagkaka-aresto sa tatlo.
Mananatili ang mga ito sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang kanilang deportation proceedings.
Archie Amado