Tatlong motorsiklo nagkarambola, 2 patay at 7 sugatan

Dalawa ang nasawi habang pitong iba pa ang nasugatan, nang magkarambola ang tatlong motorsiklo sa national road ng Brgy. Balon Anito, Mariveles, Bataan.

Ayon sa PNP Mariveles, ang 2 nasawi ay nakilalang sina Alfred Sodaria, driver ng single motorcycle, at Almadeo Baldivico na driver naman ng pampasaherong tricycle at kapwa residente ng Brgy. Balon Anito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mariveles PNP, nag-overtake ang pampasaherong tricycle sa sinusundan nitong motorsiklo nang aksidenteng mabangga nito ang kolong-kolong na motor na tumilapon sa nakaparadang kotse, habang ang nag-overtake na tricycle ay sumalpok naman sa paparating na isa pang single na motorsiklo.

Agad namang rumesponde ang Mariveles Rescue Medics at Municipal Disaster, matapos itawag ni Brgy. Balon chief tanod Ronnie Montes.

Rumesponde rin ang Public Safety Office at PNP Mariveles.

Naisugod pa sa ospital ang driver ng tricycle, subalit idineklarang dead on arrival.

Kabilang naman sa mga nasugatan ang driver at apat na pasahero ng kolong-kolong na motorsiklo, kasama na ang isang babae at isang menor de edad. Nasugatan din ang dalawang angkas ng single na motorsiklo.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP Mariveles sa nangyaring aksidente, upang malaman na rin ang halaga ng naging pinsala.

Larry Biscocho

Please follow and like us: