Umano’y bahay ni dating Manila Mayor Alfredo Lim sa Tundo nasunog

Nilamon ng apoy ang ilang bahay sa 374 Sgt. Mabagos st., Tundo, Maynila.

Nagsimula ang apoy sa isang 3 palapag na bahay na pagmamay-ari ni Manny Lim, hangggang sa mabilis nang kumalat ang apoy sa iba pang mga katabing bahay na gawa sa light materials.

Nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil nasa pinakaloob ito, bukod pa sa malaking usok na dulot ng malakas na apoy.

Maging ang ilang residente ay nagtulong-tulong na rin, sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng lahat ng pwedeng paglagyan ng tubig.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog na nagsimula bandang alas-8:17 ng umaga ay agad na itinaas sa ikatlong alarma, habang idineklara itong fire under control bandang alas-10:26 ng umaga.

Nasa tatlumpong kabahayan ang nadamay sa sunog, at nabatid na ang tatlong palapag na bahay na pinagmulan ng apoy ay pag-aari rin ng dating alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim.

Inaalam pa ng BFP ang naging sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng mga napinsala.

Ulat ni Archie Amado

Please follow and like us: