Upgrading ng mga eskuwelahan sa Maynila para gawing weather proof isinulong

Dating Manila Mayor Isko Moreno
Sa gitna ng napakainit na panahon, ilang lugar ang nagsususpinde ng face to face classes.
Gaya sa lungsod ng Maynila na makailang beses nagpatupad ng suspensyon.
Sa Meet the Manila Press Forum, sinabi ni dating Manila Mayor Isko Moreno na sakaling makabalik sa pwesto, kabilang sa kanyang top priority ay i-upgrade ang mga paaralan sa Maynila at gawing weather proof.
Inihalimbawa nya ang upgrading ng Manila Science High School, Dr. A. Albert Elementary School, at Rosario Almario Elementary School na itinayo noong kanyang administrasyon na ginawang state of the art facility.
Ang mga classroom ay ginawa aniya nilang airconditioned kaya kahit napakainit ng panahon hindi nahihirapan ang mga estudyante.
Binanggit rin ni Moreno ang pagpapatuloy ng kanyang legacy na city vertical housing program, na magbibigay ng mura pero disenteng pabahay sa mahihirap na pamilya sa lungsod.
Matatandaang kabilang sa housing projects na ipinatayo ni Moreno noon ay Tondominium 1, Tondominium 2, Binondominium 1, San Lazaro Residence, San Sebastian Residence, aT Pedro Gil Residence.
Tiniyak rin nya ang pagpapatayo pa ng mga makabagong ospital gaya ng Ospital ng Maynila at ang pagpapatuloy sa naunsyaming pagbubukas ng Baseco Hospital.
Nakalulungkot dahil tatlong taon na aniya itong natapos at ipinatayo noong sya pa ang alkalde, pero hindi nabubuksan sa publiko hanggang ngayon.
Madelyn Villar-Moratillo