Walo sugatan sa salpukan ng bus at ambulansya sa EDSA

Wasak ang unahang bahagi ng isang pampasaherong bus matapos nitong masalpok ang isang ambulansiya, sa southbound lane ng Edsa.

Nabatid na ang ambulansiyang pabalik na sa Cabuyao, Laguna ay bigla na lamang pumasok sa bus lane.

Hindi agad napansin ng driver na may paparating na bus kaya tuluyan itong nasalpok.

Sa lakas ng impact ay tumaob ang ambulansya, habang ang bus ay bumangga rin sa center island na poste ng MRT, na sanhi ng pagtilapon ng isang pasahero at pagkaipit naman ng driver nito.

Nabatid na 17 ang sakay ng bus kasama na ang driver at konduktor nito, habang isa naman ang sakay ng ambulansiya na siya ring driver nito.

Agad namang dumating sa lugar ang Response Mobile Unit ng MMDA, at agad na dinala ang mga sugatan sa Mandaluyong Medical Center.

Kaugnay nito ay nagpaalala ang MMDA sa mga motoristang dumaraan sa EDSA, na huwag gagawi sa bus lane, dahil para lamang ito sa mga bus at palaging mag-iingat sa pagmamaneho, upang hindi na maulit ang katulad na aksidente.

Ulat ni Archie Amado

Please follow and like us: