Women’s Month Forum isinagawa sa Moncada, Tarlac

Kaugnay ng paggunita sa International Women’s Month Celebration, na may temang ” We Make Change Work For Women,” isinagawa sa bayan ng Moncada, sa Tarlac ang Women’s Month Forum on Magna Carta for Women, na pinangunahan ni Mayor Estelita Aquino.

Ang nasabing Forum ay dinaluhan ng may 80 kasapi ng Women’s Organization Child Development Workers of Moncada, na pinangungunahan ni Ms Mildred Arciaga, officer ng Municipal Social and Welfare Development Office o MSWDO.

Sa kanyang mensahe ay ipinaliwanag ni Mayor Aquino, ang kahalagahan ng isang ilaw ng tahanan at ang ginagampanang papel ng mga ito.

Hinikayat din niya ang mga ina ng bawat sambahayan sa tamang pagpapamulat sa mga anak ng isang maligaya, matatag at maayos na pagsasama ng  bawat pamilya.

Hindi anya makabubuti sa mga anak ang pagpapakita ng away o pagtatalo ng mag-asawa, na humahantong pa minsan sa karahasan, na nagging dahilan ng pagrerebelde ng mga anak.

Sinabi pa ng alkalde, na mahalaga ang pagtawag o pananalangin sa Dios, sapagkat Siya lamang anya ang makapagbibigay ng tamang gabay sa bawat ina ng tahanan, tungo sa isang maayos at tiwasay na pagsasamahan ng bawat pamilya.

Bukod sa naturang forum, ay tatlo pang aktibidad ang tinalakay at isinagawa, gaya ng HIV Awareness, Pap Smear Examination at Skills Training tulad ng manicure at pedicure.

Ulat ni Aser Bulanadi

Please follow and like us: