5 Chinese kidnappers, arestado ng Pasay Police

Naaresto ng Pasay Police ang limang suspek na Chinese Nationals na sangkot sa pagdukot sa kapwa nila Tsino kung saan humihingi ng P500,000 na ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktimang si Fei Lou Huang, 32 anyos .
Nagsumbong sa himpilan ng pulisya Miyerkules ng alas 4:00 ng umaga ang kaibigan ng biktima na si alyas Trixia na dinukot ng mga suspek ang kaniyang kaibigan at humihingi ng P500,000 na ransom money.

Kasunod nito, agad nagsagawa ng operasyon ang mga pulis kung saan nakipagkita si alyas Trixie sa mga suspek upang palabasin na magbabayad ng ransom money malapit sa isang kilalang Mall.
Kasama ng tatlong suspek ang biktima sakay ng isang sasakyan nang lapitan ni Trixie pero nakahalata ang mga suspek kaya nagtangka silang tumakas subalit agad na pinaputukan ni PMaj. James Ralph Naval ang gulong ng sasakyan na kumaripas ng takbo.

Sa pagtakas ng mga ito, nabangga ng mga suspek ang isang motorcycle rider na nakilalang si Julius Checa, 27 years old na itinakbo sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Dito na naaresto ang mga suspek at nakumpiska sa kanila ang dalawang 38 Caliber na baril na may lamang mga bala.
Agad nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis kasama ang biktima upang ituro kung saan siya unang dinala ng mga suspek.

Dito na naaktuhan ang isang suspek sa lobby ng hotel at ang isa naman ay nagtangkang tumakas pero nadakip pa rin ito kung saan nakumpiska ng mga otoridad sa kuwarto ng mga suspek ang 152.4 grams ng hinihinalang shabu na may street value na P761,000.00.
Nakilala naman ang mga naarestong suspek na sina Jiao Jian, 30 years old, Niu Zhiheng 27 years old, at Zhu Bao Keoh, 36 years old. Nahaharap ang mga ito sa mga kasong kidnapping with ransom at illegal possession of firearms at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Habang ang dalawa na nakilalang sina Li Bang, 35 years old at Jian Xin Xing ay kapwa nahaharap sa kasong kidnapping with ransom at reckless imprudence resulting to homicide.
Archie Amado