PH Embassy sa The Hague, nagbigay ng assistance kay dating Pangulong Duterte

Pinagkalooban ng consular assistance ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte at delegasyon nito pagdating nila roon kagabi.
Ayon sa Philippine Embassy, bunsod ng winter season sa The Hague ay naghanda at bumili ito ng mga winter clothing, pamalit na mga damit, at care packages para sa dating Presidente at mga kasama nito.

Sa tulong din ng embahada ay binigyan ng immigration authorities ng The Netherlands ang mga kasamahan ni FPRRD kabilang ang nurse at aide nito ng two-day visa para makapagpahinga bago ang kanilang flight pabalik sa Pilipinas.

Inisyuhan naman si dating Executive Secretary Salvador Medialdea ng 15-day visa bilang abogado ni Duterte at pinayagan na mabisita ang dating Presidente sa ICC Detention Center ngayong Huwebes.
Bago pa man dumating ang dating Pangulo, inabisuhan din ng embahada ang ICC officials at The Netherlands Ministry of Foreign Affairs ukol sa pisikal na kalagayan at pangangailangang medikal ni FPRRD.
Moira Encina-Cruz