Higit 15-milyong pisong halaga ng ilegal na droga, nasamsam ng BOC, PDEA at NAIA-IADITG
Kinumpiska ng Bureau of Customs – Port of NAIA (BOC – NAIA), Philippine Drug enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang 9,160 tableta ng Ecstasy (“Party Drugs”) na inabandona sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Ang ilegal na droga na nakatago sa tatlong parcels na idineklarang mga damit at sapatos, ay natuklasan sa pamamagitan ng pinaigting na profiling at pagsusuring isinagawa ng customs personnel, sa kabila ng palihim iyong itinago sa pagitan ng mga espasyo sa kahong naglalaman ng parcels.
Sa kaniyang report kay BOC District collector Mimel Talusan ay sinabi ni CMEC sub-port collector Mark Almase, na ang parcels ay dumating sa bansa noong February 26 at ipinadala ito ni Victor Martiz mula sa Netherlands at naka-consigned kay Nikki Deximo na naka-address sa Dasmarinas City, Cavite.
Aniya, ang parcels ay ikinukonsiderang abandonado dahil sampung buwan nang hindi kinukuha ng consignee.
Ang nasamsam na mga ilegal na droga ay itinurn over sa PDEA para sa dagdag na imbestigasyon at case build-up laban sa sangkot na mga personalidad at kanilang mga kasabwat, para sa paglabag sa RA 9165 na kilala rin bilang Comprehensive Drugs Act, at maging sa RA 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).