Inbound travelers sa bansa, pumapalo na ng higit 10,000 kada araw simula lamang nitong Pebrero
Pumapalo na sa 10,000 pasahero o biyahero kada araw ang dumarating sa bansa kasunod ng halos isang buwan lamang ng pagluluwag ng restriksyon sa mga border ng bansa.
Sinabi ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Krizia Sandoval, mula sa 8,000 pasahero kada araw noong unang linggo ng implementasyon ng mas pinaluwag na restriksyon, mabilis na umakyat ito sa 9,000 kada araw makalipas lamang ang dalawang linggo.
Inaasahan pa aniya nila ang pagtaas pa ng bilang na ito lalu na ngayong panahon ng tag-init at bakasyon.
Samantala, kasabay nito, nagbabala naman ang ahensiya sa publiko sa pag-usbong muli ng love scam modus.
Target umano nito ang mga Pinoy na naghahanap ng dayuhang partner na nakikilala nila sa pamamagitan ng online.
Ang mga dayuhang ito ay nagkukunwaring interesado sa isang Pinoy na pakakasalan sila.
Pero sa pagdating nito sa bansa ay magkukunwaring hinarang at idinetine sa Immigration sa iba’t-ibang kadahilanan at dito na totokahan ang nobya o nobyong Pinoy ng partikular na halaga upang ipambayad umano sa pagkakadetini sa kaniya.
Nagbabala si Sandoval sa publiko na beripikahin muna ang mga foreign national na nakikilala online upang maiwasang mabiktima ng ganitong modus.