Bumagsak na chopper ng PAF sa Tanay Rizal, tatlo na ang patay
Tatlo ang patay at isa naman ang nasugatan makaraang mag-crash ang isang helicopter ng Philippine Air Force sa Rizal.
Sinabi ni 1st Lt. Xy-zon Meneses ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, nagsasagawa ng isang air-to-ground at disaster rescue operations training ang ilang tauhan ng militar sakay ng UH-1d chopper ng Philippine Air Force nang bumagsak ito sa Sitio Hilltop Brgy. Sampaloc Tanay, Rizal.
Sa kwento naman ng mga residente sa lugar, nakita nila na tila nagkaproblema ang makina ng helicopter bago ito bumagsak sa malaking puno ilang hakbang lang ang layo sa pinakamalapit na bahay.
Ayon naman kay Buboy Conteraz, dalawa ang nahila nila papalayo sa nasusunog na helicopter, kabilang na ang isang piloto na nasa ligtas ng kalagayan.
Tumanggi naman si Lt. Meneses na sabihin ang dahilan ng pagbagsak ng chopper, at kung sinu-sino ang mga nasawi.