Catanduanes Gov. Joseph Cua at isang pulis, inireklamo ng murder sa DOJ kaugnay sa pagpatay sa isang mamamahayag
Sinampahan ng reklamong murder sa DOJ si Catanduanes Gov. Joseph Cua at iba pang suspek sa pagpatay sa isang mamamahayag sa Virac na si Larry Que.
Ang common-law wife ni Que na si Edralyn Pangilinan ang naghain ng kaso laban kina Cua.
Bukod sa Gobernador, ipinagharap din ng reklamong murder sina PO1 Vincent Tacorda, Prince Lim Subion at ilan pang John Does na sangkot sa pagpatay kay Que.
Si Que ay publisher ng pahayagang Catanduanes News Now na pinaslang noong December 2016 sa Virac, Catanduanes.
Ayon kay Pangilinan, umanin si Tacorda sa isang local radioman sa Catanduanes na siya at ang dalawang iba pa ang nasa likod ng pagpatay sa kay Que.
Isa si Tacorda sa Itinalagang security detail sa kanilang pamilya noon at nakonsensya ito nang makita ang mga naulilang anak ni Que kaya umamin sa krimen.
Kumbinsido si Pangilinan na pulitika at ang nadiskubreng shabu laboratory sa Catanduanes ang maaring rason sa pagpatay sa mamamahayag.
Ulat ni: Moira Encina
