DOJ Sec. Aguirre aminadong libu-libong preso ang nabigyang benepisyo dahil sa TADECO

Aminado si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na libu-libong empleyado at mga preso ang natutulungan ng Tagum Agricultural Development Company o TADECO.
Sa joint investigation ng House Committees on Justice at Good Government and Public Accountability, sinabi ni Aguirre na dahil sa operasyon ng TADECO ay nagbebenepisyo ang maraming manggagawa at preso kabilang na ang kani-kanilang pamilya.
Bukod dito,iginiit pa ni Aguirre, nagbabayad ng multi-milyong buwis ang TADECO sa gobyerno.
Sa katunayan, sinabi ni TADECO President Anthony Valoria, malaki ang natatanggap ng kanilang mga tauhan na sahod at benepisyo gaya ng medical coverages, libreng edukasyon sa mga anak at iba pa, taliwas sa mga lumabas na balitang mali ang trato o nang-aabuso ang kumpanya.
Inimbitahan naman ni Valoria ang mga kongresistang chairmen at miyembro ng joint panel na bumisita sa plantasyon ng saging at mga pasilidad ng TADECO sa Tagum City para personal na makita ang sitwasyon doon.
Inamin din ni Aguirre na hindi pa nagsasagawa ang DOJ ng on-site inspection doon o mag-survey sa lupain na pinag-uusapan sa BuCor-TADECO Joint Venture Agreement.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo