Emmy Awards, ipagpapaliban dahil sa Hollywood strikes

If the Hollywood strike were still in effect by the time of the Emmys ceremony, no stars would be able to attend (Photo / AFP)

Hindi muna matutuloy ang Emmy Awards ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na Hollywood strikes.

Ang Emmy Awards na katumbas ng Oscars sa telebisyon na nakatakda sanang ganapin sa Setyembre ay maaaring maantala ng hanggang sa Enero ng susunod na taon, subalit wala pang naitatakdang bagong petsa.

Ayon sa trade publication na Variety, “Vendors, producers and others involved with the event have already been informed of the delay, which has not yet been officially announced.”

Kapwa nagsasagawa ng welga ang mga artista at manunulat ng Hollywood, ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng ganito kalawak na welga sa industriya sa nakalipas na 63 taon.

Ang mga bituin ay hindi makadadalo sa Emmys kung nagpapatuloy pa rin ang strike pagdating ng oras ng seremonya, isang pangyayari na maaaring makapinsala sa television ratings.

Hindi rin papayagan ang mga manunulat na gumawa ng script ng isang monologue o jokes para sa host at presenters ng telecast.

Ayon sa mga report, isinusulong ng Fox na siyang broadcaster ng Emmy Awards ngayong taon sa Estados Unidos, na ipagpaliban ito hanggang sa Enero, na magbibigay ng mas mahabang panahon upang maresolba ang sanhi ng strikes.

Gayunman, mas nais ng Television Academy, na bumoto para sa awards at siya ring magiging host nito, ng mas maikling panahon ng pagpapaliban, dahil kapag nagkataon ay mapapagitna ang Emmys sa film award season ng Hollywood.

Hindi nagbigay ng komento ukol dito kapwa ang Fox o ang Television Academy.

Ang huling pagkakataon na na-delay ang Emmys ay noong 2001, nang ang seremonya ay ipinagpaliban dahil sa 9/11 terrorist attacks.

Dahil sa Hollywood strikes ay nahinto ang lahat ng US movie at television productions, na may limitadong eksepsiyon gaya ng reality at game shows.

Ang mga miyembro ng Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) at Writers Guild of America (WGA) ay pinagbawalang i-promote ang kanilang mga pelikula at serye.

Nakatuon ang demand ng unyon sa lumiliit na bayad dahil sa pagdami ng streaming networks, at sa banta sa kanilang career at lagay ng pamumuhay sa hinaharap ng artificial intelligence.

Ang mga nominasyon para sa 75th Primetime Emmy Awards ay inanusiyo na sa unang bahagi buwang ito, ilang oras lamang bago bumagsak ang dayalogo sa pagitan ng mga studio at ng SAG-AFTRA.

Nanguna sa nominasyon ang “Succession,” ang HBO drama tungkol sa isang napakayamang pamilya na naglalaban-laban para kontrolin ang isang media empire, kung saan nakakuha ito ng 27 kabilang ang best drama.

Ang “The Last of Us” naman ang naging unang live-action video game adaptation na nakakuha ng mga pangunahing nominasyon, kung saan mayroon itong 24 habang ang satiriko namang “The White Lotus” ay nakakuha ng 23 nominasyon.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *