Ilocos Norte Gov. Imee Marcos pinasubpoena na ng Kamara

0
imee

Sinubpoena ng Liderato ng Kamara si Ilocos Norte Governor Imee Marcos para dumalo sa pagdinig ng komite ng Kamara kaugnay sa ilang nasilip na kwestiyunableng transaksyon ng Sangguniang Panlalawigan.

Kabilang dito ang pagbili ng mga segunda manong sasakyan ng pamahalaan ng Ilocos Norte, gamit ang milyung-milyong pisong excise tax funds mula sa sigarilyo.

Bukod kay Marcos, sinubpoena rin para sa susunod na pagdinig ang mismong supplier ng mga sasakyan, nasa anim na empleyado ng Sangguniang Panlalawigan at Bids and Awards Committee, opisyal ng Commission on Audit o COA na si Michael Aguinaldo, at ilang mahahalagang dokumento gaya ng cheke at ang resolusyong inaprubahan ng sangguniang panlalawigan.

Ang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay batay sa House Resolution 882, na inihain ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Tanong nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Fariñas, paano nakalusot ang pagbili ng 40 multicabs na nagkakahalaga ng mahigit P18 million at 70 foton minitrucks na aabot sa P34 million ang presyo, gayung walang public bidding.

Pero tugon ng mga resource person, wala silang alam sa transaksyon.

Hindi dumalo si Governor Marcos sa hearing, gayung naimbitahan ito.

Ayon naman sa COA audit team leader ng lalawigan na si Marilyn Llaguno, nagsasagawa na raw ng inventory sa mga sasakyan.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *