Intensiyon ng imbestigasyon Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte
Personal na kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang layunin ng isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Congressman Joel Chua.
Inakusahan ng bise presidente ang Kamara na well funded, political attack at sirain ang kaniyang pangalan at hindi in aid of legislation ang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na may kaugnayan sa isyu ng paggastos ng budget ng Office of the Vice President noong 2023.
Tumanggi din ang pangalawang Pangulo na manumpa bilang resource person dahil sa paninindigang wala ito sa rules ng komite na ang resource person ay kabilang sa manunumpa na magsasabi ng katotohanan gaya ng mga inimbitahang testigo.
Ang posisyon ng bise presidente ay sinuportahan ni dating Pangulo at ngayon Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo gamit ang Jurisprudence ng Korte Suprema na ginamit noon ni dating senadora Mirriam Defensor Santiago.
Kinuwestiyon din ni Sagip partylist Representative Rodante Marcoleta ang basehan ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na ibinatay sa privilege speech ni Congressman Rolando Valeriano hinggil sa Malfeasance, Misfeasance at Nonfeasance ng Vice President dahil sa hindi pagsipot sa huling budget hearing ng House Committee on Appropriations.
Sa ambush interview kay Vice Presidente Duterte sinabi nito na pag-uusapan pa ng Office of the Vice President kung muling dadalo sa pagdinig ng Kamara.
Niliwanag ng bise presidente na bahala na ang Kongreso kung ano ang gagawin sa budget ng Office of the Vice President.
Vic Somintac