Mahigit $600 milyon dapat maibayad sa U.S. foreign aid organizations para sa natapos na nilang mga trabaho

Courtesy: Reuters
Sinabi ng US foreign aid organizations na nagdemanda sa administrasyon ni President Donald Trump dahil sa pag-freeze nito sa halos lahat ng foreign aid spending, na dapat silang mabayaran ng mahigit sa $671 million para sa natapos na nilang trabaho sa nakaraan na batay sa atas ng isang korte ay sa Lunes ang deadline.
Sa inihaing demanda ng Foreign aid contractors sa Washington, D.C., federal court, nakasaad na mayroon silang outstanding invoices na nasa $420 million ang kabuuan, at mga kahilingan para sa drawdowns on letters of credit para sa nasa $250 million, para sa ipinagtrabaho nila sa nakaraan sa U.S. Agency for International Development (USAID) at sa State Department.
Kabilang sa mga naghain ng demanda ay ang dalawang asosasyon ng mga contractor, ang Global Health Council at ang Small Business Association for International Companies, at anim na individual contractors na kinabibilangan ng development firm na Chemonics International at American Bar Association.
Sa isa namang kaugnay na kaso, sinabi ng non-profit grant recipients na AIDS Vaccine Advocacy Coalition at ng Journalism Development Network, na dapat silang bayaran ng nasa $400,000 at $1.25 million.

Courtesy: Reuters
Paulit-ulit na tinanggihan ng administrasyon ang paglalabas ng mga pondo sa panahon ng demanda, at sa isang pagharap sa korte noong Huwebes ay sinabing maaaring tumagal ng hanggang 10 araw ang pagbabayad sa mga nagsakdal, na ang ilan sa mga ito ay nagsabing mapipilitan silang magsara kung hindi agad mababayaran.
Gayunman, sinabi ni U.S. District Judge Amir Ali sa Washington sa isang pagdinig noong Huwebes, na naniniwala siyang ang mga pagbabayad na una nang ginawa ay nagpapakita na ang deadline ay magaan na.
Una nang ipinag-utos ng Republican president ang 90-araw na paghinto sa lahat ng pagbabayad o pagbibigay tulong sa ibang bansa sa unang araw ng kaniyang pag-upo sa puwesto, na nagdulot ng kaguluhan sa U.S. humanitarian programs sa buong mundo.
Sa sumunod na mga linggo, sa ilalim ng pangangasiwa ng bilyonaryong kaalyado ni Trump na si Elon Musk, karamihan sa mga empleyado ng USAID ay kung hindi man pinag-leave ay sinibak at ang kanilang mga programa sa abroad ay ipinatigil.

Courtesy: Reuters
Itinakda ni Ali ang deadline na ala sais ng gabi ng Lunes, matapos tumanggi ang Korte Suprema ng U.S. na harangan ang isang naunang utos ni Ali na nagtatakda ng deadline sa Pebrero 26 para sa pagpapalabas ng halos $2 bilyong kabayaran para sa nakaraang trabaho.
Ayon kay U.S. District Judge Amir Ali, ang bagong deadline na itinakda ngayong lunes, ay para lamang sa bahagi ng perang dapat bayaran sa mga organisasyon na kasama sa nagdemanda, at magpapalabas na lamang kalaunan ng isang kautusan tungkol sa kung kailan dapat bayaran ng gobyerno ang nalalabi pang mga bayarin.