Daang libo nawalan ng kuryente dahil sa pananalasa ng bagyong Alfred sa Australia

0
Gold Coast, Australia

Gold Coast, Australia, March 8, 2025. AAP Image/Dave Hunt/via REUTERS

Daang libong mamamayan ng Queensland sa Australia ang nawalan ng kuryente, sanhi ng pananalasa ng bagyong Alfred na bagama’t ibinaba na sa tropical cyclone ay may dala pa ring mapaminsalang hangin at malalakas na mga pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha.

Aabot sa 316,540 katao ang walang kuryente sa timog-silangang bahagi ng Queensland, na ang pinakagrabeng tinamaan ay ang Gold Coast city, kung saan mahigit sa 112,000 ang nawalan ng kuryente.

Ang bagyo ay tumama sa Queensland coast nitong Sabado bilang isang “tropical low” makaraang labing-anim na araw na namalaging cyclone.

Gold Coast, March 8, 2025. AAP Image/Dave Hunt/via REUTERS 

Sinabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, na ang sitwasyon sa Queensland at northern New South Wales ay seryoso pa rin dahil sa biglaang mga pagbaha at malalakas na hangin.

Ayon sa Bureau of Meteorology ng Australia, ang malalakas na pag-ulan na maaaring magresulta sa flashfloods ay maaaring makaapekto sa Brisbane, maging sa Queensland regional centres ng Ipswich, Sunshine Coast at Gympie, at posible rin ang mapaminsalang hangin na ang pagbugso ay aabot sa humigit-kumulang 90 kph (60 mph).

Gold Coast, Australia, March 8, 2025. AAP Image/Dave Hunt/via REUTERS 

Ayon kay state premier David Crisafulli, pagpapasyahan pa ng Queensland kung papayagan na bang magbukas sa Lunes ang humigit-kumulang isanglibong state schools na una nang isinara dahil sa masamng panahon.

Aniya, “Where it’s safe to do so, schools will reopen with the exception of the Gold Coast, where there remains some significant damage. Power loss and issues with transport. One thing’s remained consistent, and that is the community spirit and the resolve.”

Noong Sabado, isang lalaki ang namatay dahil sa baha sa northern New South Wales, habang dalawang Australian defence force vehicles na tutulong sana sa mga residente sa Lismore City, ang nasangkot sa road collision na naging sanhi upang masaktan ang ilang officers.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *