Malaking sunog sumiklab sa Tundo, Maynila

Photo: MDRRMO
Sumiklab ang isang malaking sunog kaninang umaga sa Aroma Compound na nasa kahabaan ng Road 10, sa Barangay 10s, Tundo, Maynila
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), agad na itinaas sa unang alarma ang sunog bandang alas-9:47 ng umaga ngunit makalipas lamang ang isang minuto ay iniakyat na ito sa ikalawang alarma, sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy dahil sa dikit-dikit na barong-barong na gawa sa lightweight materials.
Limang minuto bago ang alas-10:00 ng umaga, ay itinaas na sa ikatlong alarma ang sunog dahil sa lumala pa ang sitwasyon, na agad ding sinundan ng ika-apat at ika-limang alarma.

Photo: MDRRMO
Pagdating ng alas-10:17 ay umabot na ito sa Task Force Alpha.
Dahil sa laki ng sunog ay kinailangan nang magtulong-tulong ang mga bumbero mula sa iba’t ibang distrito ng Maynila, pati na rin ang volunteer brigades.
Nagtuwang naman ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa paglilikas sa mga residente.

Photo: MDRRMO
Kaugnay nito, ay nagtayo na ng local units ng pansamantalang evacuation centers at naghanda na rin ng relief assistance.
Iniimbestigahan na ang sanhi at pinagmulan ng sunog.