Mga sibuyas at frozen fish products nasabat sa pitong container sa Maynila

Sangkaterbang mga sibuyas at frozen fish products, ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH), sa pitong container sa Port of Manila.
Ang mga nasabing produkto na nagkakahalaga ng P34 milyon ay nakatakda sanang inagsak sa mga palengke sa Metro Manila.

Ayon sa BOC-Manila, idineklara bilang egg noddles at kimchi ang mga ito, ngunit ang laman ay frozen mackerel at sibuyas na galing China.
Sinabi naman ni agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na tila walang paggalang sa batas at pambabastos sa mga magsasaka ang ginagawang patuloy na pagpupuslit ng mga ganitong agri products, para maibagsak sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Nagbabala ang DOH, sa posibleng maging epekto sa kalusugan ng mga nasabat na agri products, kapag na-consume ito ng tao dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng salmonella ng nasabing mga produkto.
Ayon sa DA, sasailalim ang mga ito sa pagsusuri at kapag nakitang hindi ito kontaminado ng kahit na anong kemikal, ay posibleng ipamigay na lamang ito ng gobyerno sa mga tao, o kaya ay ibenta ng mura sa Kadiwa ng Pangulo outlets.

Patuloy naman ang gagawing operasyon ng DA at iba pang mga ahensiya para hindi na lumaganap pa ang pagpupuslit ng agri products, na may malaking epekto sa mga magsasaka lalo na sa ekonomiya ng bansa.
Earlo Bringas