Pekeng abogado at kasabwat nito timbog sa entrapment operation sa Caloocan City

Courtesy : NPD PIO
Nahuli sa entrapment operation sa Caloocan City, ang isang ginang at kanyang kasabwat sa pagnonotaryo ng mga dokumento, gamit ang pangalan ng isang abogado ng walang pahintulot.
Nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na nakilalang sina alyas Montemayor, 54-anyos at alyas Canete, 35-anyos, ang ikinasang entrapment operasyon ng tauhan ni Northern Police District (NPD)Acting Director Brig. Gen. Arnold Abad, sa West Grace Park Brgy. 171.

Courtesy : NPD PIO
Batay sa reklamo ng 81 anyos na abogadong biktima na may Notary Public sa Quezon City, ginagamit umano ng mga suspek ang kanyang pangalan, dry seal at lagda ng wala siyang pahintulot para magnotaryo ng mga dokumento sa Caloocan, kapalit ng pera mula sa mga biktima.
Agad nagsagawa ng beripikasyon ang mga operatiba ng DSOU-NPD at napatunayang totoo ang bintang ng abogado, na nagresulta sa paghuli sa mga suspek kung saan nakuha sa kanila ang P500 marked money na bayad sa pagnonotaryo ng pulis na nagpanggap na kliyente.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 Usurpation of Authority Article 315 (Estafa through Other Deceit) at Article 172 Falsification by Private Individuals ang mga suspek.
Manny De luna