MPD inabswelto ng NCRPO Internal Affairs Service sa isyu ng secret jail

0
mpd

Inabswelto na ng NCRPO Internal Affairs Service sa pananagutan ang mga opisyal at tauhan ng Manila Police District Station 1 kaugnay ng natuklasan na secret jail.

Sa unang araw ng imbestigasyon ng House Sub-committee in Correctional Reforms, sinabi ni Sr. Supt. Romeo Sta. Ana na hindi talaga sikreto ang natuklasan ng Commission on Human Rights na lock up jail sa Station 1.

Sa katunayan, may nakuha silang sinumpaang salaysay ng pamilya ng mga nakakulong sa lock up jail o secret jail at kanilang pinatotohanan na malaya nilang nadadalaw ang kanilang kaanak dito.

Kahit si MPD Director Joel Coronel ay nagsabi na noon pang Marso ay alam na niya ang existence ng lock up jail.

Sa kanya umanong pagkakaalam, dati itong storage room na ginawa na lamang detention area dahil sa kawalan ng lugar na paglalagyan sa mga naaresto na sumasailalim pa sa imbestigasyon o wala pang commitment order.

Sa isyu naman ng torture, wala ding patunay na pinahirapan ang mga nakakulong sa lock up jail.

Sa halip, nakakuha sila ng medical results sa Ospital ng Maynila kung saan sinuri ang mga naka ditine sa lock up jail at pinatutunayan ng medical results na negatibo sa torture ang mga ito.

Pero nanindigan naman ang CHR sa kanilang findings na basehan ng reklamong kanilang inihain sa Office of the Ombudsman laban kina Supt. Robert Sto. Domingo.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *