Petisyon laban sa Bagong Henerasyon Party-list, ibinasura ng COMELEC 1st division


Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC), ang petition for disqualification laban sa Bagong Henerasyon Party-list.
Sa resolusyon ng COMELEC 1st division, ibinasura ang petisyon ni Atty. Russel Stanley Geronimo laban sa BH Party-list dahil sa ilang teknikalidad.


Bigo umano ang petitioner na mapadalhan ng kopya ng petisyon ang respondents at bigo rin itong mag-attach ng kopya ng Certificate of Nomination and Acceptance sa nasabing Party-list.
Sa petisyon, nais ipa-diskuwalipika ang 1st at 5th nominee ng nasabing party-list, dahil sa alegasyon ng partisan political activity.
Matatandaan na sinuspinde ng COMELEC ang proklamasyon sa BH Party-list.
Nang matanong naman kung maipo-proklama na ba ang BH Party-list, sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na mangyayari ang proklamasyon kung fianl and executory na ang desisyon.
Samantala, ibinasura rin ng COMELEC ang petisyon na layong i-diskuwalipika si Senator-elect Erwin Tulfo bilang kandidato sa ginanap na halalan.


Sa desisyon ng COMELEC 2nd division, ibinasura ang petisyon na inihain ng grupo ni Bertini Causing dahil sa kabiguang makasunod sa mga kinakailangang dokumento.
Ang naturang petisyon ay batay sa nakalipas na hatol sa kasong libel kay Tulfo, at mga kuwestiyon sa kaniyang citizenship.
May iba namang petisyon laban kay Tulfo, na patungkol sa isyu ng political dynasty ng pamilya Tulfo, na nakabinbin pa rin dahil sa motion for reconsideration ng petitioner.
Madelyn Villar-Moratillo