Kamara, inabisuhan na ng senado na mag-convene bilang impeachment court


Photo: senate.gov.ph
Inabisuhan na ng Senado ang Kamara na mag-convene na sa June 3 bilang impeachment court na maglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa sulat ni Senate President Francis Escudero kay House Speaker Martin Romualdez na may petsang May 19, sinabi ni Escudero na alinsunod sa Rules of Procedures on Impeachment Trials, handa ang Senado sa June 2, alas kuwatro ng hapon na tanggapin ang Panel of Prosecutors ng Kamara.

Photo: senate.gov.ph
Sa pagbabalik ng sesyon, inaasahan ng mga senador na babasahin ng prosecution panel sa open session ng Senado ang pitong charges na nakapaloob sa Articles of Impeachment na isinampa laban sa bise presidente.
Kinabukasan, sa alas nueve ng umaga, magko-convene ang Senado bilang impeachment court para sa pag-iisyu ng summons at iba pang kaugnay na kautusan.
Nakasaad sa sulat ni Escudero, na pinadalhan na rin ng kopya si Vice President Duterte.
Si Senador JV Ejercito, wala raw kinakampihan sa pagitan ni Pangulong Bongbong Marcos at VP Sara, pero hindi siya pabor sa impeachment trial.

Photo: senate.gov.ph
Malinaw naman kasi aniya na pulitika ang motibo nito, pero kailangang dinggin ng Senado.
Ayon kay Ejercito, “We have given instruciton not to talk about impeachment . I have to be honest, an impeachment is really divisive, it’s legal but it’s more political, nakita na natin yan noon pa ni Cong. Toby Tiangco. Nakita natin na nakaapekto talaga sa performance ng admin.”
Apila niya, sana agad matapos ang paglilitis para makapag-move on at umaksiyon na ang mga opisyal ng gobyerno sa mga totoong problema ng bansa.
Aniya, “Infra, railway, airports, energy ang malaking problema. Itong impeachment trial, early political bickering, napaaga. Ang ganda ng simula, unity team, ang ganda ng samahan ni PBBM at VP Sara. Nakapanghihinayang, that’s all on hold. We have to go to the process. Sana matapos agad, ang dami nating problema at mga challenegs that we really have to look into.”
Meanne Corvera