Petisyon ng Mighty Corporation na ipahinto ang raid ng BOC sa kanilang mga warehouse, Idineklarang submitted for resolution na ng CA
Idineklarang submitted for resolution na ng Court of Appeals ang petisyon ng Mighty Corporation na ipahinto nito ang mga raid ng Bureau of Customs sa kanilang mga warehouse.
Ito ay matapos makapagsumite ng kani-kanilang memorandum ang Mighty Corporation at Office of the Solicitor General sa CA Fourth Division.
Naghain ng petisyon saCA ang Local cigarette firm nang ibasura ng Manila Regional Trial Court ang hiling nila na palawigin ang pagpigil nito sa BOC na magsagawa ng raid sa mga warehouse nila.
Partikular na kinuwestyon ng kumpanya ang raid ng BOC sa warehouse nito sa San Simon Industrial Park sa San Isidro, Pampanga.
Sa pagdinig ng CA, iginiit ng abogado ng kumpanya na si Philip Sigfrid Fortun na walang otoridad ang BOC na salakayin ang warehouses ng Mighty dahil wala namang natagpuang mga pekeng imported goods at smuggled cigarettes sa loob ng warehouse nito sa Pampanga.
Ayon naman sa OSG, dapat sa BOC muna dumulog ang Mighty bago kinuwestyon sa mga hukuman ang isinagawa nilang raid.
Ang Mighty Corporation ay una nang ipinagharap ng BIR sa DOJ ng tax evasion case dahil sa di nabayarang buwis na 9.56 billion pesos bunsod ng paggamit ng pekeng tax stamps sa produkto nitong sigarilyo.
Ulat ni : Moira Encina