Recruitment agency na umano’y financier ng Maute group, pinasisiyasat ng Kamara
Pinaiimbestigahan ng ilang kongresista ang isang recruitment agency na posible umanong nagbibigay ng tulong pinansyal sa Maute group.
Ayon kay Act- OFW Partylist Rep. John Bertiz, hindi malayong ang Winston Q8 na pag aari ng naarestong si Husayn Al-dhafiri na sinasabing konektado saISIS ang nagpi finance sa Maute group.
Ang Winston Q8 ay kumita ng halos ₱900 milyon sa loob lamang ng halos limang buwang operasyon.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe nakakapagtaka kung saan nanggaling ang napakaraming armas at lakas ng loob ng teroristang Maute group sa patuloy na pakikipaglaban nila sa tropa ng gobyerno.
Kaya giit nina Bertiz, Batocabe at A Teacher Rep. Julieta Cortuna na imbestigahan ang nasabing recruitment agency na nakapanloko narin ng maraming OFW’s.
Hiniling rin nila sa Anti-Money Laundering Council at Bangko Sentral ng Pilipinas na i-freeze agad ang pera ng nasabing agency.
Umapela rin sila sa Department of Foreign Affairs na siyasatin ang Arabian Nationals na may mga recruitment agency sa Mindanao na nagre recruit ng mga OFW.
Pinakikilos naman ni Batocabe ang Department of Justice para pag aralan ang mga pinagkakakitaan ng Maute group para maputol agad ito.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo
