Sanctions sa Syria, aalisin ng US, $600 billion deal sa Saudi tiyak – Trump


Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman reacts next to U.S. President Donald Trump during the Saudi-U.S. Investment Forum, in Riyadh, Saudi Arabia, May 13, 2025. REUTERS/Brian Snyder
Sinimulan ni Pangulong Donald Trump ang kanyang paglalakbay sa Gulpo noong Martes sa isang sorpresang anunsyo na aalisin na ng United States ang matagal nang sanctions sa Syria, at isang $600 billion na pamumuhunan sa U.S. na pangako ng Saudi Arabia.
Ayon sa White House, sumang-ayon ang U.S. na ibenta sa Saudi Arabia ang isang arms package na nagkakahalaga ng halos $142 bilyon, na tinawag nitong “defense cooperation agreement,” na hindi pa nagawa noon ng Washington.
Ang pag-aalis sa mga sanction sa Syria, ay magiging isang napakalaking tulong para sa isang bansa na sinira na ng mahigit sa isang dekadang giyerang sibil. Noong Disyembre, ay pinatalsik ng mga rebeldeng pinamumunuan ng kasalukuyang Pangulong si Ahmed al-Sharaa, si President Bashar al-Assad.
Sa kaniyang pagsasalita sa isang investment forum sa Riyadh sa pagsisimula ng isang deal-focused trip na nagdulot din ng kaguluhan ng diplomasya, sinabi ni Trump na tinutugunan niya ang kahilingang ibasura ang mga sanction na ipinataw ng de facto ruler ng Saudi Arabia na si Prince Mohammed bin Salman.
Ayon kay Trump, “The sanctions had served an important function but that it was now time for the country to move forward. Oh what I do for the crown prince.”
Ang hakbang ay kumakatawan sa isang major U.S. policy shift. Ang Syria ay idineklara ng U.S. na isang state sponsor ng terorismo noong 1979, nagpataw ng mga sanction dito noong 2004 at nagpatupad ng dagdag pang mga sanction makaraang sumiklab ang civil war noong 2011.
Sinabi ni Syrian Foreign Minister Asaad al-Shibani sa X, na ang nakaplanong hakbang ay nagmarka ng “bagong simula” sa landas ng Syria tungo sa muling pagtayo, at ayon sa isang opisyal ng White House, sumang-ayon si Trump na saglit na batiin si Sharaa habang siya ay nasa Saudi Arabia.
Nilagdaan ni Trump at ng Saudi crown prince ang isang kasunduan na sumasaklaw sa enerhiya, depensa, pagmimina at iba pa. Hinahangad ni Trump na palakasin ang relasyon sa Saudi upang mapabuti ang regional ties nito sa Israel at kumilos bilang tagapagtanggol laban sa Iran.
Ayon sa isang White House fact sheet, ang agreement ay sumasaklaw sa mga kasunduan sa mahigit isang dosenang U.S. defense companies para sa areas na kinabibilangan ng air and missile defense, air force and space, maritime security at communications.
Pero hindi malinaw kung kasama sa kasunduan ang Lockheed F-35 jets, na ayon sa sources ay napag-usapan. Sinabi ng Saudi prince na ang total package ay maaaring umabot sa $1 trillion kapag nagkaroon pa ng mga kasunduan sa mga darating na buwan.

U.S. President Donald Trump and Saudi Crown Prince and Prime Minister Mohammed Bin Salman exchange a Memorandum of Understanding (MOU) during a ceremony at the Royal Court in Riyadh, Saudi Arabia, May 13, 2025. REUTERS/Brian Snyder
Ang Saudi Arabia ay isa sa pinakamalaking customers para sa U.S. arms, ang napanatili ng dalawang bansa ang matatag na ugnayan sa loob ng ilang dekada, base sa isang arrangement kung saan ang kaharian ay magdedeliver ng langis at ang Amerika ay magkakaloob ng seguridad.
Ngunit ang relasyon ay naapektuhan matapos mapatay ng Saudi agents ang U.S.-based Saudi journalist na si Jamal Khashoggi noong 2018 sa Istanbul, na nagdulot ng isang “global uproar.”
Naging konklusyon ng U.S. intelligence, na inaprubahan ni bin Salman ang isang operasyon upang dakpin o patayin si Khashoggi, isang prominenteng kritiko, subalit itinanggi ng Saudi government ang anumang
Hindi binanggit ni Trump ang insidente noong siya ay bumisita at tinawag si bin Salman na isang “incredible man.”
Ani Trump, “I really believe we like each other a lot.”
Si Trump ay tutuloy sa Qatar mula sa Riyadh ngayong Miyerkoles at sa United Arab Emirates sa Huwebes, sa isang biyaheng nakatuon sa pamumuhunan sa halip na sa seguridad sa Gitnang Silangan.
Ilang U.S. business leaders ang dumalo sa event, kabilang na si Elon Musk, ang Tesla chief na nanguna sa isang government-downsizing effort para kay Trump sa Washington; OpenAI CEO Sam Altman; BlackRock CEO Larry Fink at Blackstone CEO Stephen Schwarzman.
Si Trump ay nakita ring nakkipag-usap sa ilang Saudi officials, gaya ng sovereign wealth fund governor na si Yasir al-Rumayyan, Aramco CEO Amin Nasser at investment minister na si Khalid al-Falih habang tinitingnan ang mga model para sa multi-billion-dollar development projects.