SC inatasan ang DENR at iba pang ahensya ng gobyerno na magsumite ng ulat kaugnay sa pagsunod nila sa Clean Water Act
Inaksyunan ng Korte Suprema ang mga petisyon na inihain ng Maynilad at Manila Water Company kaugnay sa pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan sa RA 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.
Sa resolusyon ng Supreme Court en banc, inatasan nito ang Department of Environment and Natural Resources na ipaalam sa hukuman ang status ng compliance o pagsunod sa ilang patakaran sa implementing rules and regulations at ilang probisyon ng Clean Water Act.
Nais ding malaman ng SC mula sa DENR ang listahan ng category ng industries sector, ang mga obligasyon nito sa water quality standard at plano nito sa solid waste disposal.
Bukod sa DENR, inatasan din ng Korte Suprema ang iba pang government agencies gaya ng DOH, National Sewerage and Septage Management Program ng DPWH, DILG, Local Water Utilities Administration at Laguna Lake Development Authority na aksyunan ang mga concern ng mga water concessionaires.
Pinagsusumite rin ng SC ang Local Government Units ng mga highly urbanized cities ng ulat sa status ng kanilang pagtugon sa Section 8 ng Clean Water Act.
Labing limang araw ang ibinigay ng Korte Suprema para maisumite ng mga kinauukulang ahensya ang hinihingi nilang report.
Ulat ni: Moira Encina
