Sen. Cayetano humarap na sa UN Human Rights Council, iginiit na hindi kagagawan ng gobyerno ang mga kaso ng pagpatay kasabay ng war on drugs ng Pilipinas
Humarap na si Senador Alan Peter Cayetano sa ika-dalawamput pitong session ng Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council sa Geneva Switzerland.
Ito’y para magpaliwanag sa tumataas na kaso ng pag-abuso sa karapatang pantao at extra judicial killings sa Pilipinas.
Sa harap ng mga delegado, iginit ni Cayetano na walang nagaganap na police impunity at hindi state sponsored ang mga kaso ng pagpatay.
Inireklamo ni Cayetano saUN ang aniyay pekeng report ng Western Media at ng mga kritiko ni Pangulong Duterte na ginamit ang social media para pataasin ang mga datos sa mga kaso ng pagpatay.
Katunayan, sinabi ni Cayetano na mula nang maupo si Duterte noong 2016, umabot pa lang sa halos siyamnalibo ang mga naitatalang kaso ng homicide at iba pang kaso ng pagpatay taliwas sa 11 hanggang 16 thousand na mga kaso ng pagpatay kada taon sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino mula 2010 hanggang 2016.
Karamihan aniya sa mga namamatay ay dahil sa panlalaban sa mga otoridad sa mga police operation.
Pero hindi ito nangangahulugang kinukonsinte ng pamahalaan ang pagpatay katunayan bumubuo na ang gobyerno ng Pilipinas ng human rights action plan para sa susunod na limang taon.
Iniimbestigahan rin at kinakasuhan ang sinumang pulis na mapapatunayang sangkot sa mga kaso ng pagpatay.
Kasabay nito, inupakan ni Cayetano si UN Special Rapporteur Agnes Callamard matapos sabihing ang paggamit ng shabu ay hindi nakakaapekto sa problema sa pag-iisip o nagdudulot ng karahasan sa sinumang gagamit nito.
Iginiit ni Cayetano na kahit sa pag-aaral ng World Health Organization, napatunayan na nagkakaroon ng problema sa pag-iisip ang gumagamit ng shabu na humahantong sa paggawa ng karahasan.
Ulat ni: Mean Corvera