South African nahulihan ng P47.6-M shabu sa NAIA

Photo courtesy of PDEG (PNA)
Isang 43-anyos na South African ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 Pasay City, makaraang masumpungan ng mga awtoridad sa kaniyang bagahe ang pitong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47.6 million.
Ang suspek na nakilala lamang sa alias na “Antonie,” ay dumating bandang 7:30 ng gabi lulan ng Cathay Airways Flight CX 748 galing Hong Kong.
Batay sa report ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG), nakumpiska ng pulisya ang nasa 7,000 gramg ng shabu mula sa isa sa mga bagahe ng suspek.
Lahat ng nakumpiskang ebidensiya ay itinurn-over na sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination at proper disposition.
Isinagawa ang pag-aresto sa pakikipagtulungan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, kung saan kabilang ang PDEG.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, na nagbabawal ng importasyon ng mapanganib na mga droga.
Ang krimen ay may parusang habangbuhay na pagkabilanggo at multang aabot sa P10 million, depende sa bigat at klasipikasyon ng nasamsam na mga droga.