Trusted build ng pilot online voting at counting system na gagamitin sa eleksyon sa Mayo, isinailalim sa pagsusuri

Idinaan na sa pagsusuri ng Commission on Elections (Comelec) ang trusted build ng pilot online voting at counting system sa midterm elections sa Mayo.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, pagkatapos nito ay maglalabas ng sertipikasyon ang Technical Evaluation Committee na gumagana nang maayos at mapagkakatiwalan ang mga sistemang gagamitin.

Comelec Chair George Erwin Garcia
Kabilang sa mga sumaksi sa testing ng trusted build ang NAMFREL at PPCRV bukod sa Comelec at Technical Evaluation Committee.
Sa susunod na linggo naman aniya ay magtutungo sa bansa ang international certifier na sasaksi sa pagselyo ng source code.
Ipinaliwanag pa ni Garcia na ginawa ang testing sa trusted build para matiyak na gumagana ang sistema lalo na ngayong may online voting system na sa 1.3 milyong Pilipino abroad.
Magsasagawa naman ng hiwalay na testing ang NAMFREL sa online voting and counting system at tiniyak na babantayin nila ito.
Ayon kay Garcia, “Yan yung kahuli-hulihan na dapat gawin upang yung pinaka source code ng sistema ay wala nang babaguhin, yan na yung pinaka final na nangangahulugahan na after nito ay certifcication, kung saka-sakali. Ngayon, tatlong sistema tayo dahil for the first time may internet voting so mas justtified talaga na medyo nadelay konti at the same time kailangang patunayan sa cerification na yung tatlong sistema ay gumagana ng iisa o coordinated.”
Sinabi naman ni NAMFREL Chairperson Lito Averia, “Sa mga susunod na araw, iti-test namin yun. Primarily, ang concern natin lagi is security, yan ang nagiging issue yung security, dahil yan ang nakasakay sa internet. Masusing babantayan dahil nakasakay sa internet.”
Moira Encina-Cruz