Puna at batikos ng mga kritiko ng administrasyon ituturing ng Malakanyang na pamumulitika
Bahagi na ng pamumulitika ang lahat ng mga puna at batikos ng mga kritiko ng administrasyon dahil political season na sa bansa kaugnay ng isasagawang halalan sa susunod na taon.
Ito ang tugon ng Malakanyang sa mga naglalabasang puna at batikos ng mga kritiko ng administrasyon lalo na sa usapin sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya ng COVID-19 at kampanya laban sa kurapsyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na inaasahan na ng Malakanyang na gagawing political issue ng mga kalaban ng administrasyon ang mga makikitang butas sa mga ginagawang pagtugon ng gobyerno sa mga problema ng bansa.
Ayon kay Roque malinaw ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa lahat ng kanyang administrasyon ang dapat na gawin upang harapin ang pandemya ng COVID-19.
Niliwanag ni Roque kung may pangkukulang ang gobyerno sa pagharap sa problema ng bansa ay humingi na ng paumanhin sa taongbayan si Pangulong Duterte.
Inihayag ni Roque binobomba ngayon ng puna at batikos ang administrasyon ng mga kritiko na may ambisyon sa 2022 election.
Vic Somintac