Online Registration ng QC para sa Covid-19 vaccination, nananatiling sarado
Hindi pa rin nagbubukas ang online registration na EzConsult website ng Quezon City government para sa Covid-19 vaccination.
Matatandaang Huwebes ng gabi nang ianunsyo ng City government sa pamamagitan ng kanilang Facebook page na pansamantalang isinara ang online registration dahil sa hindi umano kinaya ng kanilang sistema ang bilang ng mga nagpaparehistro na karamihan ay nasa A4 sector o Economic frontliners.
Kaagad ding nagpalabas ng paumanhin ang lungsod dahil sa perwisyong idinulot sa mga residenteng nais magpa-schedule ng bakuna.
Tiniyak naman ng lungsod na gumagawa sila ng hakbang para maibalik sa lalung madaling panahon ang online system ng registration at vaccination schedule.
Muling nagpaalala ang City Government na maliban sa online ay maaari ring magparehistro sa mga Barangay.