Cyndi Lauper, Chubby Checker napili para sa Rock & Roll Hall of Fame

Cyndi Lauper attends the MTV Video Music Awards in Elmont, New York, U.S., September 11, 2024. REUTERS/Andrew Kelly/File Photo
Kabilang ang “The Twist” singer na si Chubby Checker, pop star na si Cyndi Lauper, at grunge rock band na Soundgarden sa napili para sa induction ngayong taon sa Rock & Roll Hall of Fame.
Ang 2025 inductees ay inanunsiyo ni American Idol host Ryan Seacrest noong Linggo.
Ang iba pang napili para sa Rock Hall sa Cleveland ay ang English rock group Bad Company, hip-hop act Outkast, rock and blues singer Joe Cocker, at garage rock duo The White Stripes.
Ang induction ceremony na mapapanood sa pamamagitan ng live streaming sa Disney+ mula sa Los Angeles, ay gaganapin sa Nov. 8.
Ang inductees ay pinili ng fans at industry experts. Upang maging eligible, ang unang recording ng isang artist ay dapat na naipalabas nang hindi bababa sa 25 taon na ang nakalipas.
Isang singer at dancer, ang otsenta’y tres anyos na ngayong si Mr. Checker, ay kilalang nagpasikat sa iba’t ibang istilo ng sayaw gaya ng twist at limbo sa mga huling bahagi ng dekada 60.

Chubby Checker talks during an interview with Reuters in New York, in this January 25, 2007 file photo. REUTERS/Brendan Mcdermid/File Photo
Nabuo naman ang Bad Company noong 1973 at naging hit ang kanilang mga awiting inirecord gaya ng “Feel Like Makin’ Love” at ang self-titled na “Bad Company.”
Napabilang sa music charts ang mga awitin ng British singer na si Mr. Cocker, na kinabibilangan ng “You are So Beautiful” at “Up Where We Belong” kasama si Jennifer Warnes, at naging kilala para sa kaniyang “legendary cover” ng awitin ng The Beatles na “With a Little Help from My Friends” na ang performance ay ginawa sa Woodstock.
Naging tanyag naman noong 1980s ang 71 anyos na ngayong si Ms. Lauper, nang mga panahong sikat at usong-uso ang music videos dahil sa makulay niyang buhok at pananamit, at masasayang awiting gaya ng “Girls Just Wanna Have Fun.”

Chris Cornell of Soundgarden performs during their concert in Toronto, July 2, 2011. REUTERS/Mark Blinch/File Photo
Ang Soundgarden, na bahagi ng 1990s grunge rock scene sa Seattle, ay pinamumunuan ni Chris Cornell, na namatay noong 2017.
Ang “Hey Ya!” band Outkast naman ay binuo sa Atlanta ng Big Boi at Andre 3000 noong 1992. Ang White Stripes, galing Detroit, ang nanguna sa muling paglitaw ng garage rock pagdating ng 2000s.