Gunman sa Resorts World, kinilala na

Kinilala na ng pulisya ang gunman sa panununog sa ilang bahagi ng Resorts World Manila na nag-iwan ng mahigit 30 patay at mahigit 50 sugatan.

Ayon kay National Capital Regional Police office chief Oscar Albayalde, sa pamamagitan ng nakuhang CCTV footages ng gusali, positibong kinilala ng kaniyang pamilya ang gunman na si Jessie Carlos, 42 anyos, isang Pinoy, residente ng San Lazaro, Sta. Cruz,, Maynila at dating empleyado ng Department of Finance na nakatalaga sa One Stop Shop tax credit and Duty Drawback center ng kagawaran.

Si Carlos ay sinibak sa kaniyang trabaho dahil sa mga maanumalyang transaksyon at pagpapabaya sa kaniyang trabaho. Bigo rin siyang ideklara ang kaniyang mga properties sa kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Net worth o SALN.

Natuklasan ng mga otoridad na si Carlos ay may  financial problem dahil baon ito sa utang sanhi ng pagkakalulong sa sugal. Ibinenta umano ni Carlos ang kaniyang sasakyan at ilang mga properties nito na naging sanhi ng paghihiwalay niya ng kaniyang asawa.

Paliwanag ni Albayalde, aabot sa 4 na milyong piso ang pagkakautang ni Carlos sa mga bangko hindi pa kasama dito ang iba pa niyang mga pagkakautang sa mga non-bank entities.

Si Carlos ay may tatlong anak na may edad 17 anyos, 10 at 8 taong gulang.

Muling binigyang-diin ni Albayalde na walang kinalaman sa terorismo ang insidente sa Resorts World Manila kasabay ng panawagan sa publiko na huwag agad maniniwala sa mga hindi pa kumpirmadong mga balita na ang layunin ay samantalahin at maghasik ng takot sa mga mamamayan. 

Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng Resorts World Manila na pagkakalooban nila ng tulong pinansiyal ang bawat biktima ng nasabing insidente.

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *