Impeachment complaint laban kay Duterte posbleng maibasura lang ayon sa ilang Senador
Naniniwala ang ilang Senador na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibabasura lang ang reklamong impeachment na isinampa laban dito ng grupong Magdalo.
Ayon kay Senador JV Ejercito, walang siyang nakikitang dahilan para kasuhan ang Pangulo.
Iba aniya ang sitwasyon noong manguna ang Magdalo sa ouster plot laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo dahil nakukwestyon noon ang legalidad ng kaniyang pagkakaupo.
Sa sitwasyon naman ngayon ni Pangulong Duterte binigyan ito ng mandato ng taumbayan.
Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson, mabuti na idinaan sa proseso ng Magdalo ang kanilang kaso laban sa Pangulo sa halip na maglunsad ng panibagong Oakwood Mutiny.
Pero naniniwala siyang mahihirapan itong makakuha ng suporta sa Kamara dahil maraming kongresistang sumusuporta sa Pangulo.
Kung aabot naman ito sa Senado, bago ma-convict ang Pangulo, kailangang makuha nito ang suporta ng labing-anim sa dalawamput apat na mambabatas.
Nauna nang ibinunyag ni Lacson ang umanoy nilulutong coup plot laban sa Pangulo kung saan sangkot umano ang kaalyado ng Magdalo na si Senador Antonio Trillanes.
Ulat ni: Mean Corvera