Isyu ng palsipikadong notaryo sa petisyon ni De Lima, naungkat sa oral arguments ng Korte Suprema
Naungkat sa oral arguments ng Korte Suprema ang alegasyon na pineke ang notaryo sa petisyon ni Senadora Leila de Lima.
Ayon kay SC Justice Presbitero Velasco, seryoso ang alegasyon ng Office of the Solicitor General dahil ang pagpapanotaryo sa petisyon ay mahalagang requirement sa mga isinusumiteng petisyon sa Korte Suprema.
Bilang tugon, binasa naman ng abogado ni de Lima na si Dating Solicitor General Florin Hilbay ang pahayag ni de Lima na iginigiit na sila ay nagkita ni Atty. Ma. Cecille Cabalo sa Kampo Crame noong February 24, 2017 para maipanotaryo ang kanyang petisyon.
Batay rin aniya sa affidavit ni Cabalo, sinabi nito na hindi sa Custodial Center kundi sa PNP CIDG sa Kampo Crame niya pinuntahan ang Senadora para notaryuhan ang petisyon ng Senadora.
Nagkausap pa sila ni de Lima noong gabi ng February 23 at inilahad sa kanya ang plano nitong dumulog sa Korte Suprema para humirit ng TemporaryRestraining Order.
Hindi rpinayagan si Cabalo na pumasok sa PNP Custodial Center kaya sa CIDG siya nagtungo para lagdaan ang petisyon ni de Lima noong Pebrero 24.
Alas nuwebe ng umaga anya ng nabanggit na petsa nang magtungo si Cabalo sa PNP-CIDG at ito ay bago dalhin si de Lima sa PNP Custodial Center.
Una nang ipinunto ng OSG na batay sa logbook ng PNP Custodial Center at sa affidavit ng mga PNP guard, hindi nila nakitang dumating si Cabalo at nagtungo sa selda ni de Lima para panumpaan sa kanyang harapan ang petisyon.
Ulat ni: Moira Encina