Laguna 2nd District Rep. Ruth Mariano Hernandez, nagpositibo rin sa COVID-19

Kinumpirma ni Laguna Second District Rep. Ruth Mariano Hernandez na nagpositibo rin siya sa COVID-19.

Sa kanyang Facebook post, inihayag ni Hernandez na ilang araw matapos na nagpositibo sa virus ang kanyang asawa na si Laguna Gov. Ramil Hernandez ay nagpositibo rin siya sa sakit.

Dahil dito, sinabi ng kongresista na 14 na araw siyang hindi personal na makapapasok sa kanyang tanggapan para sumailalim sa isolation.

Tiniyak ng mambabatas na na-disinfect ang kanyang opisina.

Magpapatuloy din aniya ang serbisyo sa kanyang tanggapan habang siya ay nagpapagaling.

Ayon pa kay Hernandez, dadalo pa rin siya online sa ilang pagdinig at pagpupulong sa Kongreso.

Nanawagan naman si Hernandez sa publiko na patuloy na mag-ingat laban sa COVID lalo nat kailangan na mahiwalay sila sa kanilang mga mahal sa buhay para hindi makahawa.

Moira Encina

Please follow and like us: